MANILA, Philippines - Apat katao ang dinakip ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) Station 3 matapos na mahuli sa aktong nagbebenta ng mga sex toys at sex enhancers at salakayin ang mga tindahan sa bangketa sa Maynila.
Ayon kay Sr. Insp. Joselito Von Possel, hepe ng PCP Plaza Miranda sina Lee Sarif, Kamal Gaosilin,Taha Tani at isang menor-de-edad ay dinakip dakong alas-2:30 ng hapon sa Rizal Ave., Quiapo at Sta. Cruz sa Maynila. Nakatakdang sampahan ng Immoral Doctrine, Obscene subjection and incident show ang apat.
Sinabi ni Von Possel na mapanganib sa kalusugan ang mga ibinebentang sex toys at sex enhancers sa bangketa dahil hindi naman ito dumaan sa prescription ng doctor.
“Yang tablet na ’yan na sinasabing pampatigas, eh baka iba ang tumigas sa kanila dahil walang reseta ng doktor at hindi naman magrereseta ang doktor ng gamot na sa bangketa mo mabibili,” dagdag pa ni Von Possel.
Samantala, kahapon ay inutos ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/Chief Supt. Leonardo Espina ang malawakang crackdown laban sa mga naglipanang ‘sex toys’ sa Metro Manila.
Aniya, ang nasabing mga “sex toys” ay mga plastic umano at hindi “silicon” na delikadong gamitin dahilan nakakaimpeksyon ito at nakaka-allergy sa mga indibidwal na gagamit nito.
Base pa sa impormasyon, mabentang-mabenta ang mga “sex toys” lalo na sa mga kalalakihan dahil mura umano ang presyo nito pero delikado naman sa kalusugan, ayon pa sa opisyal.
Kabilang sa nasabing mga sex toys ay ang mga “fucked dolls”, dildo, sex ring, vibrator at iba pa umano na ibinebenta ng mga vendors sa komersyal na distrito ng Metro Manila partikular na sa Quiapo, Sta. Cruz, Divisoria sa lungsod ng Maynila, Baclaran sa Parañaque City at iba pa.