Bus stop sa EDSA hahatiin
MANILA, Philippines - May naisip na namang bagong paraan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang pabilisin umano ang daloy ng trapiko sa EDSA sa pamamagitan ng paghahati sa mga bus stop na hihintuan ng mga pampasaherong bus.
Sa naisip na bagong programa, sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino, hahatiin ang mga bus stop para sa Buses A at Buses B.
Ipinaliwanag nito na may dalawang uri ng bus sa EDSA – ang mga may rutang Alabang (Bus A) at may rutang Baclaran (Bus B).
Sa kasalukuyan, maaring magbaba at magsakay sa lahat ng bus stops ang dalawang uri ng bus sa EDSA. Ngunit sa bagong panukala, itatalaga ang mga bus stop para sa Bus A at ang susunod sa Bus B.
Dito hindi maaaring magbaba ang mga Bus A sa bus stops na para sa mga Bus B.
Tinatayang nasa 3,000 bus ang bumibiyahe sa EDSA kada araw sanhi upang magsiksikan ang mga ito sa mga bus stops na nagiging dahilan rin umano ng pagbubuhol ng daloy ng trapiko.
Bukod dito, magtatalaga ang MMDA ng ilang porsyento ng bus na maging “all-stop buses” o maaring magbaba at magsakay sa lahat ng bus stops.
- Latest
- Trending