MANILA, Philippines - Nagulat na lamang ang drug detainee na si Henry Santos nang makita sa loob ng kanyang selda ang isang grupo ng ‘pulis’ na nagtangkang umaresto sa kanya kamakailan matapos na maaresto ang mga ito noong Biyernes sa kasong hulidap sa lungsod Quezon.
Ang pitong kalalakihan na inakala niyang mga pulis ay nalaman niyang mga peke na nambiktima ng apat na complainants sa pamamagitan ng pagkukunwaring sila ay inaaresto ng mga ito.
Ang mga suspect ay kinilalang sina Ricardo Puzon, 33, ang sinasabing lider; Edwin Mallari, 35; Romeo Mendoza, 45; Johnny Mendoza, 34; Alejandro Cortez, 39; Fernando Tolentino, 39; and Augusto Rodriguez, 42 ay iprinisinta sa isang press conference kahapon matapos na maaresto sa isang checkpoint sa Brgy. Sta. Lucia, nitong Biyernes.
Nanawagan si Quezon City Police District director Chief Supt. Mario dela Vega sa iba pang nabiktima ng mga nabanggit na pekeng pulis, na ang modus ay mag-ikot sakay ng isang van at dalawang motorsiklo sa ilalim ng pagkukunwaring mang-aaresto ng suspect sa droga saka kukunin ang lahat ng gamit nito.
Ang isa pang miyembro nila na si Reynaldo Buen, 54, ay naaresto sa follow-up operation sa isang bahay sa Rosal St, Novaliches kung saan sinasabi ng isang biktima na doon siya dinala.
Kasunod ng kanilang pagkaka-aresto, lumutang na rin ang iba pang complainants sa Fairview police station at itinuro ang mga suspect na siyang nambiktima sa kanila.
Ang unang biktima ng grupo ay si Santos, drug detainee na nagsabing nagtungo ang grupo sa kanilang bahay sa Brgy. Sta Lucia noong July saka puwersahang pumasok matapos na magpakilalang pulis at umano’y inaaresto siya sa droga. Dito ay tinangay kay Santos ang dalawang relo, at isang MP4 player at pera.
Si Santos ay inaresto dahil sa kaso ng droga at nakapiit sa Fairview police station’s detention cell noong Biyernes kung saan niya nakita ang pekeng mga pulis habang nakakulong din.
Ang mga suspect ay naaresto sa isang checkpoint sa barangay J. P. Rizal Street sa Brgy. Sta. Lucia, ganap na alas-9:30 Biyernes ng gabi, habang sakay ng isang kulay itim na Toyota Lite Ace van.