MANILA, Philippines - Dinakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang kawani ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) matapos tumanggap ng halagang P15-libo sa isang babaeng nag-aaplay para sa titulo ng lupa sa isinagawang entrapment operation sa Ermita, Maynila.
Nakapiit na sa NBI detention cell ang suspect na si Jovix Leonida Rivera, 33, Bureau of Lands special investigator ng DENR-National Capital Region ( DENR-NCR), at residente ng Vicente St., Sampaloc, Maynila.
Ayon kay NBI-Anti Organized Crime Division (NBI-AOCD) chief, Rogelio Mamauag, dakong ala- 1:30 ng hapon nang bitbitin ang suspect habang hawak ang marked money na tinanggap nito sa complainant na si Marjorie Rubi Codangos, sa loob ng Starbucks Coffee Shop, sa Pedro Gil, Ermita.
Nag-ugat ang sumbong ni Codangos sa NBI, nang magtungo siya sa DENR-NCR para makakuha ng Residential Free Patent kung saan inalok umano siya ng suspect na magbayad na lamang ng P20,000 para makaiwas sa dami ng prosesong pagdaraanan.
Alam umano ni Codangos na libre lamang ang pagkuha ng nasabing titulo maliban sa P50 na babayaran sa application forms na kaniyang nabayaran na kaya sinagot niya ang suspect na wala siyang ganoon kalaking halaga.
Sa bandang huli, ibinaba umano ng suspect ang offer na P15,000 na sa puntong iyon nakipagkasundo siya at itinakda ang pag-aabot ng salapi sa Starbucks sa Ermita. Hindi akalain ng suspect na dumiretso ang complainant sa NBI at agad namang inilatag ang entrapment operation.
Habang nagkakape ang biktima at suspect, nakaantabay naman ang mga ahente ng NBI kaya nasaksihan ang pag-aabot ng salapi sa suspect na pagkakataon naman upang siya ay arestuhin.
Nahaharap sa kasong extortion at paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) ang suspect na inihain na sa Manila Prosecutor.