MANILA, Philippines - Tuluyan nang sinibak sa puwesto ang dalawang miyembro ng Quezon City Police makaraan umanong kotongan ang anak ni incoming National Capital Region Police Office (NCRPO)director Chief Supt. Leonardo Espina.
Determinado naman si Espina na kasuhan ng administratibo at kriminal upang tuluyang madismis sa serbisyo ang dalawang pulis na nagtangkang mangikil ng P20,000 sa kanyang anak na lalaki dahilan umano sa phone sex sa Quezon City noong Martes ng gabi.
Tiniyak ni Espina na mananagot sa batas ang mga suspect na sina SPO4 Jose de la Peña at PO3 Resty del Rosario, kapwa ng Quezon City Police District Mobile Patrol Unit.
“Pasensyahan na lang, kakasuhan namin sila. We will give them due process, everything at depensahan na lang nila mga sarili nila, one thing is clear hindi kami magto-tolerate ng ganito,” ani Espina.
Kasabay nito, tiniyak ni Espina na sa kanyang pag-upo sa NCRPO kapalit ni Director Alan Purisima na natalaga namang number 4 man ng PNP ay kakalusin ang mga extortionist na pulis sa Metro Manila.
“Kung meron kayong mga reklamo, our actions are always governed by justice to our people. Hindi ho pwede api-apihin kayo ng dapat magprotekta sa inyo,” ani Espina na pormal na mauupo sa puwesto ngayong araw (Setyembre 7) bilang bagong NCRPO Director sa gaganaping turn-over ceremony sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City.
Ayon kay Espina, nakikipag-usap ang kanyang anak sa telepono sa loob ng sasakyan nito sa kahabaan ng Hemady St., Quezon City noong Martes ng gabi dahilan umano sa dinner nito sa kanyang mga kaibigan nang lapitan ni Dela Peña at akusahan ng phone sex.
Hinihingan umano ng nasabing pulis ng P20,000 ang 22-anyos na anak na lalaki ni Espina na itinanggi nitong tukuyin ang pangalan pero sinabi nito na wala siyang pera dahil lingguhan lamang ang allowance niya.
Hinarass pa umano ni Dela Peña ang batang Espina kung saan naibaba ang demand sa P 5,000 matapos itong sabihang ipapa-media kapag hindi nagbigay kung saan sumampa pa ang nasabing pulis sa sasakyan ng biktima na minaneho nito patungong Gate 2 ng Camp Crame habang sumusunod naman ang mobile car ng Quezon City Police District na sinasakyan ng kasama nitong si Del Rosario.
Bumaba sa sasakyan ang anak ni Espina upang mag-withdraw sa ATM machine sa Gate 2 ng Camp Crame at dito na nito naisipang tawagan ang kanyang ama at sinabi ang pangyayari.
Nang ipasa ng kanyang anak kay Dela Peña ang cellphone nito ay kinausap ng heneral ang nasabing pulis na nagpakilalang si “Police Joseph” at nang magpakilala naman ang opisyal sa naturang pulis ay pinakawalan ang anak nito sa U turn slot ng Santolan, EDSA, Quezon City pero kinumpiska ang lisensya nito.
Nabatid pa na binigyan na rin ng ultimatum ng CPD officials ang dalawang umabusong pulis upang magreport sa serbisyo at kung hindi ay idedeklara nang AWOL (Absence Without Official Leave), gayundin ay harapin ang kaso.