MANILA, Philippines – Habang isinusulat ang balitang ito, patuloy ang pagbuga ng apoy sa nasusunog na Cluster 1 ng Tutuban Mall na nagsimula kahapon dakong alas-12:41 ng madaling-araw sa Divisoria, Maynila.
Ayon kay Chief Insp. Bonifacio Carta ng Manila Fire District, bandang alas-5:35 ng umaga ay naitaas na sa Task Force Charlie ang sunog, kaya dumagsa ang iba’t ibang pwersa ng pamatay-sunog mula sa ibang bahagi ng Metro Manila. Sobrang kapal ng usok na nagmumula umano sa mga stalls na pawang tela, garments at carpets, na kinailangang gamitan pa ng chemical foam para mapatay ang apoy at breathing apparatus naman sa mga bumbero dahil sa kawalan ng bentilasyon sa loob ng mall at makapal na usok.
Nahirapan din ang mga bumbero na mabombahan ng tubig ang loob ng mga stalls dahil matitinding padlock ang nakakabit na hindi agad masira.
Pansamantala rin isinara sa motorista ang ilang bahagi ng kalye malapit sa mall kabilang ang Jose Abad Santos St. para may madaanan ang mga truck ng bumbero. Wala namang naiulat na sugatan at patuloy pa ang pagtutok ng mga bumbero sa nasabing sunog.
Samantala, naging abala naman ang ilang stall owners sa pagsalba ng ilan nilang paninda matapos na payagan ng mga bumbero ang ilang mga may-ari ng tindahan na hakutin ang kanilang mga paninda.