MANILA, Philippines - Plano rin ngayon ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na pabasbasan ang mga linya ng Metro Rail Transit 3, Light Rail Transit Line 1 at Line 2 makaraan ang malagim na pagpapatiwakal ng isang babae nang tumalon at mabangga ng tren kamakailan.
Bukod sa mga riles at istasyon, pababasbasan din ng LRTA ang mga tren o ang mga bagon para matanggal ang posibleng negatibong enerhiya na dulot ng mga pagpapatiwakal.
Ayon kay LRTA Spokesperson Atty. Hernan Cabrera, tila nagiging takbuhan ng mga taong desperado na sa buhay ang magpatiwakal sa kahabaan ng tren tulad ng sinapit ng matandang babae na si Lucy Aroma sa LRT EDSA Station.
Napag-alamang may problema at naging desperado ang matanda kaya ito tumalon at bumangga sa rumaragasang tren.
Kinasuhan naman ang LRT 1 train operator na si Anthony Gunay ng reckless imprudence resulting to homicide dahil hindi nito napigilan ang takbo ng tren. Paliwanag naman ni Gunay, huli na ang lahat bagamat pinigil talaga nito ang pagtakbo ng tren na ikinamatay ng biktima.
Hindi man suspendido ay napagdesisyunan ng LRTA na huwag munang papasukin si Gunay dahil sa trauma buhat ng pangyayari. Nanindigan din ang LRTA na ipagtatanggol at susuportahan nila ang operator habang tinuligsa ang Pasay City Police sa pagsasampa ng kaso sa tauhan nila bagama’t aminado rin ang imbestigador na humawak ng insidente na sadyang nagpakamatay ang biktima.
Samantala, isang tren ng LRT Line 2 ang tumirik malapit sa V. Mapa Station makaraang mabigong makakuha ng kuryente ang “pantograph” sa kawad na nagbibigay ng enerhiya sa tren. Agad namang nahila ito ng mga tauhan ng LRTA at naibalik ang operasyon.