Gang war: 4 patay, 2 kritikal

 Manila, Philippines - Humantong sa kamatayan ng apat katao at malubhang pagkakasugat ng dalawa pa ang away ng dalawang grupo ng mga gangsters sa Malabon nang pagbabarilin ang isang grupo ng lalaki sa loob ng isang computer shop ng kalabang grupo, kahapon ng mada­ling araw.

Dead on the spot sanhi ng mga tama ng bala sa katawan sina Oscar Ibo, 48; JM Galvez; Marco Ibo, 20 at Michael Manuel, 21, pawang mga taga-Gozon compound, Brgy. Tonsuya, ng naturang lungsod habang inoobserbahan naman sa Jose Reyes Memorial Medical Center sanhi ng mga tama ng bala sa katawan sina John Sin Rimando at Bernabe Rimando, kapwa ng nasabing lugar.

Sa ulat ng Malabon City Police, naganap ang krimen dakong alas-4 ng madaling araw sa Gozon Compound. Nag-iinuman ang mga biktima na mi­yembro ng “Bulabog Gang” sa loob ng compu­ter shop  nang dumating ang pitong miyembro ng kalabang grupong “Avatar” at pinaulanan ng mga bala ang mga biktima.

Mabilis na nagsitakas ang mga salarin makaraan ang walang habas na pamamaril habang nirespondehan naman ng mga kapitbahay ang mga biktima at isinugod sa JRMMC.

Patuloy ngayon ang masusing imbestigasyon ng pulisya upang makilala  at maaresto ang mga miyembro ng Avatar Gang na may kagagawan sa naturang krimen.

Show comments