Kelot patay sa amok na kapitbahay

MANILA, Philippines -  Hindi na umabot pang buhay­ sa pagamutan ang isang 37-anyos na lalaki nang pagsasaksakin ng nagwawalang kapitbahay sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Idineklarang patay sa Mary Johnston Hospital ang biktimang si Randy Francisco, ng Fullon St., Tondo, habang nadakip naman ang nag-amok na si Arnel Aguillar­, 33.         

Sa ulat, dakong alas-7:30 ng gabi kamakalawa nang maganap ang insidente sa Fullon malapit sa panulukan ng G. Perfecto St., Tondo. Nabigla na lamang umano ang biktima na sa kanya patungo ang nagwawalang kapitbahay na may hawak na patalim.

Mabilis umanong dumampot ng piraso ng kahoy ang biktima upang ipanangga ngunit natamaan pa rin siya ng mga saksak hanggang sa humandusay na sa semento na sinundan pa ulit ng mga saksak­ ng suspect.

Sumaklolo na rin ang mga residente at isinugod sa pagamutan ang biktima habang ang suspect naman ay mabilis na naaresto.

Show comments