MANILA, Philippines - Nalimas ang aabot sa P4.2 milyong halaga ng mga mamahaling alahas at mga gamit sa isang negosyanteng Chinese matapos pasukin ang bahay nito ng mga hinihinalang miyembro ng ‘Akyat bahay gang’ makaraang lumikas ang una noong kasagsagan ng pananalasa ng habagat, ayon sa pulisya kahapon.
Ito ang nabatid makaraang dumulog sa himpilan ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District nitong Martes ng hapon ang biktimang si Patricia Chua, 40, at magreklamo kaugnay sa nangyaring pagnanakaw sa kanyang bahay sa Parkway Village, Brgy. San Antonio sa lungsod.
Ayon kay Chua, natuklasan nila ang pagnanakaw pagkabalik umano ng kanilang pamilya sa kanilang bahay kamakalawa ng hapon kung saan nawawala ang steel vault na pinaglalagyan ng kanilang alahas at mamahaling gamit.
Nabatid na ang pamilya Chua ay napilitang lumikas sa bahay ng kanilang kamag-anak matapos manalasa ang habagat nitong Agosto 7.