MANILA, Philippines - Isang dentista ang hinoldap ng may pitong armadong kalalakihan habang sakay ng kanyang Toyota Revo sa lungsod Quezon kahapon ng hapon.
Ayon sa inisyal na ulat ng Quezon City Police District Anti-Carnapping unit (DACU), ang biktima ay kinilalang si Mary Agnes Joyce Valdez, dentista at residente sa lungsod ng Valenzuela.
Sinabi sa ulat, nangyari ang insidente sa Muñoz sa kahabaan ng EDSA, dakong alas-12 ng tanghali.
Diumano, binabagtas ng biktima ang lugar matapos magtungo sa kanyang klinika sa Valenzuela at sakay ng kanyang Toyota Revo (WHB-167) nang biglang harangin ito ng isang sasakyan sakay ang mga suspect.
Agad na tinutukan umano ng baril ang biktima bago tuluyang inagaw ang manibela mula rito at kinomander ang Revo patungo sa hindi mabatid na lugar. Nagpaputok pa umano ang mga suspect bago tuluyang umalis sa lugar.
Maaaring pakay ng mga suspect na kunin lamang ang pera ng biktima sa pag-aakalang may bitbit itong malaking halaga, pero nabigo ang mga ito.
Hanggang sa pagsapit nila sa kahabaan ng Katipunan Avenue, corner P. Tuazon St. bumaba ang mga suspect sa Revo at inilipat ang biktima sa isa pang sasakyan saka muling tinangay. Bago tuluyang umalis ang mga suspect posibleng pinagbabaril nila ang Revo para magsanhi ng trapik sa lugar at hindi na sila mahabol ng awtoridad.
Nabatid na iniwan naman ang biktima sa bahagi ng Taguig.
Dito na nakarating sa tanggapan ng tactical operation ng QCPD ang report na may inabandonang sasakyan sa nasabing lugar na tadtad ng tama ng bala at nagdudulot ng matinding trapik.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang pagsisiyasat ng QCPD, partikular ang tropa ng DACU, Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), Police Station 8 at Police Station 2 sa nasabing insidente.