Sketch ng 'kidnaper' ni Go, inilabas ng PNP
Manila, Philippines - Ipinalabas na kahapon ng PNP-Anti-Kidnapping Group ang computer generated sketch ng isa sa apat na sinasabing kidnapper ng high profile fugitive na si Rolito Go at ng pamangkin nitong nurse na si Clemence Yu na dinukot sa compound ng National Bilibid Prison (NBP) noong Martes ng gabi ng nakalipas na linggo.
Sa press briefing sa Camp Crame, ipinakita sa mediamen ni PNP Spokesman Chief Supt. Generoso Cerbo Jr., ang computerized sketch ng naturang kidnapper na tinatayang nasa 35-38 anyos, may taas na 5”5 hanggang 5”6 at nakasuot na maong na pantalon at jacket na pula.
Ayon kay Cerbo, ang nasabing suspek ay armado ng cal. 45 pistol na siya umanong pumukpok ng baril sa ulo ni Go.
Samantalang, kasalukuyan namang tinatapos ng PNP-AKG base sa deskripsyon ni Go ang computer sketch ng tatlo pa sa mga kidnapper ni Go.
Inihayag pa ni Cerbo sa pamamagitan ng naturang mga cartographic sketch ay makakatulong ito sa imbestigasyon upang mapabilis ang pagtukoy sa mga suspect.
Inihayag ni Cerbo na lahat ng anggulo ay kanilang sinisilip sa kasong ito upang mabatid ang katotohanan sa likod ng sinasabing pagdukot kay Go na pinagdududahan ng mga kritiko. Sinabi ni Cerbo na ang resulta ng isasagawa nilang imbestigasyon ay depende sa mga ebidensya.
Magugunita na si Go at Yu ay dinukot umano ng apat na armadong kalalakihan noong Agosto 14 ng gabi sa minimum security compound ng NBP sa Muntinlupa City na narekober naman noong Miyerkules ng gabi ng mga operatiba ng pulisya sa Alabang, Muntinlupa City matapos itong sumakay ng bus patungong Metro Manila galing sa Sto. Tomas, Batangas.
Nauna ng sinabi ni Go sa mediamen na binigyan sila ng P500.00 pamasahe ng mga kidnappers matapos na mapagtantong wala siyang pera at hindi kayang magbayad ng kanilang pamilya sa hinihingi ng mga itong P1M ransom.
Magugunita na si Go ay na-convict ng korte kaugnay ng pagpatay sa La Salle student na si Eldon Maguan dahilan lamang sa gitgitan sa trapiko noong 1991.
- Latest
- Trending