Therapist dedo sa boga

Manila, Philippines -  Isang therapist ang patay makaraang barilin sa ulo ng hindi nakikilalang salarin sa lungsod Quezon kama­kalawa ng gabi.

Dead on arrival sa ospital ang biktimang si Elmer Bacatano, 33, binata ng Kasunduan Extension, Brgy. Commonwealth sa lungsod.

Sa ulat ni PO2 George Caculba, may-hawak ng kaso, ang biktima ay natagpuan na lamang matapos ang isang malakas na putok ng baril na duguan habang nakandusay sa may panulukan ng Katuparan at Katibayan St., Brgy. Commonwealth ganap na alas-8:30 ng gabi.

Ayon kay Marivic Elena, vendor, nag-aasikaso siya ng kanyang tindang buko juice nang makarinig siya ng isang malakas na putok ng baril mula sa naturang lugar.

Nang kanyang tignan ay saka nakita ang duguang katawan ng biktima na nakahandusay kung kaya’t agad siyang humingi ng tulong sa mga taong nasa lugar at ipagbigay alam ang insidente sa awtoridad.

Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operations (SOCO) nagtamo ang biktima ng isang tama ng bala sa ulo na siyang ikinamatay nito.

Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasa­bing insidente.

Show comments