Tenga ni bunso, tinagpas ni kuya

MANILA, Philippines - Tanggal ang tenga ng isang empleyado ng Man­daluyong City Hall makaraang tigpasin ng itak ng kanyang kuya kamakalawa ng gabi.

Ang biktima ay naki­lalang si Jerry  Gayanes, 41, habang ang suspek ay ang nakatatanda nitong kapatid na si Larry, 44, binata, at kapwa nakatira sa Block 22, Welfareville Compound, Brgy. Addition Hills, ng na­sabing lungsod.

Nabatid mula kay SPO1 Marlon Climacosa ng Cri­minal Investigation Unit, dakong alas-9:30 ng gabi na­ganap ang insidente sa tapat ng tahanan ng magkapatid.

Ayon sa report, inawat ng biktima ang suspek dahil nagwawala ito, nagsisigaw at naghahamon ng away sa kanilang mga kapitbahay pero siya ang pinagbalingan ng galit.

“Hinataw niya ako ng hawak niyang itak, mabuti na lamang at nakailag ako kaya ang tenga ko ang natigpas at hindi ang aking ulo,” anang biktima.

Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang suspek habang ang biktima ay agad na isinugod sa Mandaluyong City Medical Center.

Show comments