Piitan ng mga babae sa QC, binulabog ng 'bomba'

Manila, Philippines -  Natakot ang mga preso sa Quezon City female dormitory matapos na bulabugin ng bomb threat mula sa isang hindi nakikilalang texter kamakalawa, ayon sa ulat kahapon.

Gayunman, matapos ang masusing paghahanap sa palibot ng lugar, partikular sa kanang bahagi ng Quezon City Police District head­quarters, napatunayang negatibo ang lugar sa bomba.

Ayon kay Insp. Noel Sublay, hepe ng explosives and ordnance division, ang bantang pagpapasabog ay inireport sa kanila ganap na alas-7:30 kamakalawa ng gabi.

Ang Quezon City female dormitory ay nasa loob ng QCPD headquarters sa Camp Karingal, Brgy. Sikatuna.

Sinasabing ang warden na si Chief Insp. Elena Roca­mora ang nakatanggap ng text message mula sa isang hindi nakikilalang texter na nagbibigay-babala hinggil sa pagsabog umano ng bomba sa loob ng quarters ng mga babaeng preso.

Sinabi umano sa men­sahe na ang bomba ay itina­nim ng isang lalaking bisita ng isa sa mga preso.

Show comments