MANILA, Philippines - Patay ang isang ginang na apat na buwang buntis habang sugatan naman ang 4-anyos na anak nitong babae makaraang pagsasaksakin ng lasing na kanilang kalugar, kahapon ng madaling-araw sa Valen zuela City.
Nakilala ang nasawi na si Rachelle De Guzman, 24, residente ng Candido Compound, Brgy. Ugong, ng naturang lungsod. Isinugod naman sa Valenzuela General Hospital ang anak nitong si Jennylyn, na nagtamo rin ng saksak sa katawan.
Agad namang na aresto ng mga rumespondeng barangay tanod ang suspect na si Robert Cedansa, 31, residente rin ng naturang lugar.
Sa inisyal na ulat ng Valenzuela City Police, dakong alas-4 ng madaling-araw nang pasukin ni Cedansa ang mag-inang De Guzman habang wala ang mister ng biktima na si Ronnie na nagtatrabaho sa palengke bilang matadero.
Posibleng tinangkang gahasain ng suspect si Rachelle na nanlaban sanhi upang pagsasaksakin ito ng suspect. Idinamay rin nito ang paslit na anak ni Rachelle na nagising at nag-iiyak.
Narekober naman buhat sa suspek ang patalim na ginamit sa krimen at duguang boxer shorts nito.
Ayon kay Ronnie, matagal na umanong may gusto sa kanyang misis ang suspect kaya’t lagi naman niyang pinapaalalahanan at pinag-iingat ang asawa kapag wala siya sa bahay.
Hinihinala namang nasa impluwensya ng alak o iligal na droga ang suspect nang gawin ang krimen.