MANILA, Philippines - Sinabi ni Manila Mayor Alfredo Lim na “back to normal” na ang Lungsod ng Maynila sa loob ng 24 oras dahil isinasagawa ngayon ang malawakang mopping-up operations at rehabilitasyon ng nasirang daan sa buong lungsod.
Sa kanyang ginagawang pag-iikot sa ilang evacution center kabilang ang Bo. Obrero Elementary School sa Tondo, Maynila, sinabi ni Lim na kasalukuyang isinasagawa ng pamahalaang lungsod ang paglilinis ang lansangan na binaha kabilang ang mga baradong drainage system sanhi ng basura.
Ani Lim, hindi maaaring maantala ang paglilinis dahil maraming tao at commuters ang maaapektuhan ng mga tambak ng basura at tubig-baha.
Kasunod nito, sinabi pa ni Lim na maaari nang daanan ang Recto underpass at Lagusnilad sa tapat ng Manila City Hall matapos mahigop ang tubig-baha sa naturang lagusan.
Isinasagawa rin ngayon ng Maynila ang ilang precautionary measures sa naturang lagusan upang hindi na maulit ang katulad na pangyayari.