Manila, Philippines - Tinatayang aabot sa 2 kilo ng marijuana ang nakuha ng mga barangay tanod matapos sitahin at mabitawan ng nagtatakbong batang lalaki ang bitbit na mga plastic bag sa Caloocan City kahapon.
Base sa inisyal na report ng Caloocan City Police, dakong alas-2:00 ng umaga, nagpapatrulya ang mga tanod na sina Ely Balano at Tony Salazar sa Torcillo St., sa Brgy. 28 nang mapansin ang batang lalaki, na tinatayang nasa siyam na taong gulang na may bitbit na malalaking plastic bag.
Dahil sa pinatutupad na curfew ay kanilang sinita ang paslit. Sa takot nito ay nagtatakbong palayo at nabitawan ang mga bitbit. Nang lapitan ay nakita ang kilo-kilong pinatuyong mga dahon ng marijuana.
Dinala ng Kapitan na si Egay Galgana ang mga marijuana kay Senior Supt. Prudencio Tom Bañaz ng Anti-Illegal Drugs Special Operation Task Force.
Patuloy na iniimbestigahan ang nasabing insidente ng mga pulis kung saan malaki ang paniwala ng pulisya na ginagamit na courier ng sindikato ang mga paslit sa kanilang operasyon.