Dubber ng ABS-CBN sugatan sa pamamaril

 Manila, Philippines - Isang talent ng ABS-CBN network ang sugatan makaraang paputukan ng hindi natukoy na salarin habang sakay ng kanyang kotse sa isang parking lot sa lungsod Quezon kahapon.

Ayon kay SPO1 John Sales, ng Quezon City Police Station 10, nakilala ang biktima na si Christian Velarde, 33, binata, dubber at residente ng no. 6 Proverb St., Sto Niño, Meycuayan Bulacan.

Siya ay ginagamot nga­yon sa ABS-CBN clinic dahil sa tinamong sugat sa pisngi at baba, gayundin ang galos sa buong mukha dulot ng nabasag na salamin ng kotse matapos tamaan ng bala.

Sa pagsisiyasat ni Sales, nangyari ang insidente sa may parking lot ng EIJ building na matatagpuan sa kahabaan ng Mother Ignacia, Brgy. South Triangle ganap na alas-11 ng umaga.

Sinasabing nasa loob ng kanyang Daihatsu (TDU-647) ang biktima nang biglang isang putok ang umalingaw­ngaw at bumagsak sa kaliwang salamin ng kotse nito.

Hindi naman direktang tinamaan ng bala ang biktima, bagkus ang nabasag na salamin na tinamaan nito ang siyang nakasugat sa kanyang mukha, ayon pa kay Sales.

Sabi ni Sales, walang sinuman sa mga taong nasa nasabing lugar ang  nakakita sa nasabing pamamaril, kung kaya nahihirapan silang matukoy kung sino ang nasabing salarin.

Dagdag ni Sales, narekober sa lugar ang isang deformed slug ng hindi matukoy na baril, habang ang biktima ay nasa panga­nga­laga nga­yon ng clinic ng na­sabing istasyon matapos na isugod ng nurse na si Khendi Aldasan.

Patuloy ang imbestigas­yon ng PS10 sa nasabing insidente.  

Show comments