Manila, Philippines - Tatlong bangkay na pinaniniwalaang biktima ng summary execution ang natagpuan sa magkakahiwalay na lugar kung saan dalawa sa mga ito ay isinilid sa Balikbayan box sa lungsod Quezon, kahapon.
Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, ang tatlong bangkay na pawang walang pagkakakilanlan ay isinalarawan sa mga edad na 30-35, isa rito ay may taas na 5’8, nakasuot ng itim at gray boxer short, asul na Adidas sando, ay may tattoo sa kanang hita na Alex Satul, kanang braso na Tribal at mukha ng tao, kaliwang braso na “Roger Aquino”, kanang dibdib na “ Manuel Marlit”, kaliwang dibdib na “Lanica Dagaraga”, sa sikmura na “RJ Chua”, at likod na “Aira Jane, Bobot de Guzman, Jimbo Jimboy, Corjie, St. Steven at Jagit Capacillo habang ang pangalawang biktima naman ay nakasuot ng kulay puting t-shirt at itim na short, at may tattoo na kanang braso ng babae, pangalang “Carmela”, isda, at “Rhio” at kanang kamay na “tribal at nakasuot naman ng puting t-shirt at brown white short, at may tattoo sa kanang hita na mukha ng babae, pangalang “Jane Mary”, sa dibdib imahe ng Rosary, “Crong2xTupeng”, “Willy Kupit” at “Chris Buddy”, kaliwang kamay “Nako”, kanang kamay imahe ng gagamba, kaliwang braso ay imahe ng dragon, at likod na “Batang city jail” at “Bulol” ang ikatlong salvage victim.
Ayon sa ulat, ang unang biktima ay natagpuan sa may kahabaan ng North Diversion Road, Service Road, Unang Sigaw ganap na alas 11:40 ng gabi.
Sinabi ni PO2 Julius Balbuena, may-hawak ng kaso, ang biktima ay natagpuan ng isang Rolando Padrinao, tricycle driver na pumapasada sa naturang lugar.
Ayon naman kay SPO1 Jaime Jimena, ganap na alas 6:20 naman ng umaga nang matagpuan ang ikalawang bangkay sa harap ng no. 37 Malasimbo St., sa Brgy. Masambong.
Nadikubre ng street sweeper na si Annaliza Baito, ang bangkay ng biktima na nasa loob ng isang garbage bag at nakagapos ng nylon cord saka nakalagay sa isang “Balikbayan Box”.
Makalipas ang 10 minuto nang matagpuan naman ang ikatlong bangkay sa harap ng no. 3 Biak na Bato st., corner Quezon Avenue, Brgy. Sto Domingo.
Sinabi ni PO3 Loreto Tigno, may-hawak ng kaso, ang biktima ay natuklasan ng isang vendor na si Marissa Ranola, habang ito ay nakabalot sa isang garbage bag at nakagapos ng nylon cord saka nakasilid rin sa isang “Balikbayan Box.”
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) lumitaw na ang tatlong bangkay ay pawang walang sugat sa katawan, maliban sa mga ligature mark sa kanilang mga leeg na indikasyon, na pinatay sa sakal ang mga biktima, bago ang mga ito isinilid sa nasabing mga kahon at itinapon.
Pinalalagay din ng mga awtoridad na ang pagtatapon sa mga bangkay sa magkakahiwalay na lugar ay upang iligaw lamang ang mga awtoridad sa gagawing pagsisiyasat.