MANILA, Philippines - Bala ng baril ang ginawang pansahog sa lugaw na kinakain ng isang hindi nakikilalang lalaki matapos siyang pagbabarilin ng isang gunman habang kumakain sa lungsod Quezon, kamakalawa.
Ang biktima na walang pagkakakilanlan ay kinilala lamang sa alyas na “Nanie” nasa pagitan ng edad 50-55, at may mga tatto na “Spiderman” sa kaliwang tuhod, “Thy mission will come to an end” sa kanang braso at “Joker” sa kaliwang braso.
Nangyari ang insidente sa harapan ng Julius Lugawan na matatagpuan sa Litex Road, Brgy. Commonwealth sa lungsod, ganap na alas-4:25 ng hapon.
Sinabi ni Julius Benito, may-ari ng lugawan, kumakain umano ang biktima ng lugaw nang bigla umanong sumulpot ang isang lalaki na may baril at inupakan ng dalawang putok ang una. Dahil dito, mabilis na nagtakbuhan ang ilang kustomer sa lugawan kung saan duguang sumubsob naman ang biktima sa kinakain nitong lugaw at malagutan ng hininga.
Matapos ng pamamaril ay mabilis na tumakas ang suspect patungo sa hindi pa mabatid na direksyon. Nagtamo ng dalawang tama ng bala ng kalibre 45 baril sa dibdib ang biktima. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.