Draftsman nagsaksak sa sarili dahil sa iniindang sakit

MANILA, Philippines - Dahil sa iniindang sakit, isang draftsman ang nagpakamatay matapos saksakin ang kanyang sarili kamakalawa sa Parañaque City.

Kinilala ang nasawi na si Lord Servando Bondoc, 32, ng Escade Lane, Villanueva Village, Brgy. San Dionisio ng nabanggit na lungsod sanhi ng tinamo nitong saksak sa katawan.        

Ayon sa salaysay ng kapatid ng biktima na si Lourdes Malong, 43, nagpaalam sa kanya ang biktima na bibisitahin nito ang bagong panganak na anak sa RGV Homes, malapit din sa nabanggit na lugar.

Nang makauwi na, nagtaka umano siya dahil sa hindi na lumalabas ng kuwarto and kapatid kung kaya kinatok niya ito subalit hindi naman siya pinagbubuksan hanggang sa kinuha nito ang duplicate na susi, ngunit hindi pa rin niya mabuksan ang kuwarto ng biktima.

Napilitan na siyang hu­mingi ng tulong sa mga kapitbahay para puwersahing buksan ang pinto at nang mabuksan ay doon tumambad sa kanila ang duguang biktima.        

Nabatid sa mga kaanak ng biktima na may matagal na itong sakit na schizoprenia na posibleng dahilan upang ito ay magpakamatay, gayunman patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya para alamin kung may naganap na foul play sa insi­dente.  

Show comments