MANILA, Philippines - Umalma na ang Philippine Air Force (PAF) sa paglilinis ng mga mababahong estero, pagtatrapiko at iba pang community clean-up project sa ilalim ng Internal Peace Security Plan (IPSP) Bayanihan ng administrasyon.
Ang nasabing sentimyento ay inilabas ng PAF sa magazine nitong “The Air Force Way”, na ipinamudmod sa mediamen sa pagdiriwang ng ika-65 anibersaryo nito noong Biyernes ng nakalipas na linggo.
Sa nasabing artikulo na pinamagatang “Militum Phasellus”, dahilan sa pinalawak na trabaho ng mga sundalo para sa mga sibilyan ay lubhang nakakaapekto na sa kanilang oryentasyon na hindi na umano naaakma sa kanilang tunay na mga trabaho alinsunod sa sinumpaang tungkulin na maging tagapagtanggol ng kapayapaan.
Nabatid na kabilang sa ginagawa ngayon ng PAF na bahagi ng CMO sa mga kalunsuran partikular na sa Metro Manila na ikinababa na umano ng moral ng mga sundalo lalo na ang mga nasa mababang ranggo ay maglinis ng mga baradong estero, ilog, paglilinis ng kalye na mistulang mga metro aides, pagtuturok sa mga aso, pagtulong sa trapiko at iba pang mga community project na sobrang lihis na umano sa kanilang mga trabaho.
Alinsunod sa IPSP Bayanihan na naglalayong tuldukan ang communist insurgency o pamamayagpag ng NPA hanggang 2016 ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III ay mas ginagawang aktibo sa Civil Military Operations (CMO) ang mga sundalo at binabawasan ang combat operation o engkuwentro sa NPA rebels.
Samantalang kabilang pa sa CMO na isinasagawa ng AFP sa mga kanayunan ay ang pagkukumpuni ng mga eskuwelahan, paggawa ng mga kalsada, tulay, pagtatayo ng mga gusali kung saan ang mga sundalo ang nagsisilbing inhinyero at siyang gumagawa ng konstruksyon.
Samantalang ang mga sundalo rin ang pangunahing nagreresponde sa mga panahon ng kalamidad bilang mga rescuer.
Dahil umano sa nasabing mga pagbabago ay mistula na rin silang mga pulis, relief workers, educators, builders, health care providers, politicians at hindi mga mandirigmang panghimpapawid.
Idinagdag pa rito na ang mga aktibo nilang opisyal ay nagsisilbing mga advisers ng mga pulitiko na lihis sa kanilang ‘chain of command’ na bawal ang makisawsaw sa pulitika.