Nanay na sumundo sa anak, itinumba

MANILA, Philippines - Patay ang isang ginang habang sugatan naman ang kanyang anak matapos na barilin ng hindi naki­kilalang salarin makaraang sumundo sa kanyang anak sa Binondo, Maynila kahapon ng umaga.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Gina Castillo, 40, ng Gate 14 Area Parola Compound Binondo, sanhi ng tama ng bala sa likod at baba.

Nilalapatan naman ng lunas sa Mary Johnston Hospital ang anak nitong itinago sa pangalang Jepoy, 5-anyos, na nagtamo ng sugat sa kaliwang kamay.

Inilarawan ng awtoridad ang suspect na may taas na 5’5’’ hanggang 5’6’’, katam­taman ang pangangatawan at nakasuot orange at sombrero na mabilis tumakas matapos ang insidente.

Ayon sa imbestigas­yon, dakong alas-10:45 ng umaga ng maganap ang insidente sa Laswerte St., Delpan, Binondo, Maynila.

Nabatid na pauwi ng kanilang bahay ang mag-ina galing sa day care sa Brgy. 275 zone 25 nang harangin ng hindi kilalang suspect at walang sabi-sabing binaril ng dalawang beses sa katawan ang ginang.

Kasunod nito, agad na isinugod sa nabangit na pagamutan ang anak ng biktima habang namatay sa pinangyarihang lugar si Gina. Habang isinusulat ang balitang ito, inaalam pa ang motibo sa pagpaslang sa biktima at nagsasagawa na ng follow-up operation ang pulisya hinggil sa nasabing insidente.

Show comments