MANILA, Philippines - Paghihiganti ang nakitang dahilan sa pagpatay sa 21-anyos na lalaki kaugnay sa pagtestigo nito sa kasong murder laban sa kapatid ng suspect sa Parola Compound, Tondo, Maynila, kamakalawa ng hapon. Naisugod pa sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Cen ter subalit binawian agad ng buhay ang biktimang si Joel Salceda, residente ng no. 801 Area A. Gate 3 Parola compound, Tondo dahil sa tinamong saksak sa dibdib at tagiliran.
Tumakas naman ang suspect na si Marvin Cruz, ng Area A. Gate 3 Parola compound, Tondo. Sa ulat ni PO3 Rodelio Lingcong ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-4:20 ng hapon nang maganap ang insidente sa 794 Area A. Gate 3 Parola compound. Nabatid na ang suspect at isang Henry Cajipe, ay nag-iinuman nang madaanan ng biktima at makisali ito sa inuman. Ilang tagay muna ang ginawa ng biktima bago ito umalis upang kumuha umano ng pulutan.
Lingid umano sa kaalaman ng biktima na sinusundan siya ng suspect, na nagawang magsabi pa sa kaibigan na bibili lamang ng ice cubes, subalit tiniyempuhan lamang ang biktima sa daan upang saksakin. Ayon sa pulisya, may tatlong taon na ang nakalipas nang tumestigo umano ang biktima laban sa kapatid ng suspect na sangkot sa kasong murder.