Manila, Philippines - Pinayagan ng korte na pansamantalang makalabas mula sa kulungan nito sa Southern Police District si dating Commission on Elections Chairman Benjamin Abalos.
Ayon kay Felda Domingo, tagapagsalita ng Pasay City Regional Trial Court Branch 112, bago mag-adjourn noong Biyernes ang pagdinig sa isinumiteng motion ni Abalos na makapagpiyansa ay inaprubahan ang kahilingan nito na makalabas ng kulungan.
Ngayong araw ng Linggo ay pinayagan si Abalos ni Judge Jesus Mupas na makadalo sa birthday ng kanyang apo sa loob ng dalawang oras at mabisita ang bahay nitong nasalanta ng bagyong Ondoy.
Hindi naman tinutulan ng Comelec ang kahilingan ni Abalos at ang naging desisyon ng korte.
Lalabas ng kulungan si Abalos bago magtanghali at dalawang oras lamang mananatili sa kanyang bahay at agad itong ibabalik sa detention cell.
Samantala, pinalawig pa ng korte ang pagdinig kaugnay sa motion ng mga abogado ni Abalos na makapagpiyansa ito.
Muling itinakda ni Judge Mupas ang petsa sa pagdinig sa Hulyo 4 at 9.