Cum laude ng UST sugatan sa holdap, holdaper bugbog-sarado sa taumbayan

MANILA, Philippines - Kapwa nilalapatan ng lunas sa magkahiwalay na pagamutan ang isang 21-anyos na cum laude ng UST na pumalag sa holdap at barangay tanod na rumesponde sa komosyon nang pagsasaksakin gamit ang ice pick ng hodaper na sa huli ay halos malumpo naman ng kuyugin ng taumbayan sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang mga biktima na sina Jayson Apura, graduate ng UST, ng Sta. Mesa, Maynila at ang tanod na si Rogelio Sales, 40.

Arestado naman ang suspect na kinilalang si Ryan San Pedro, 22, ng Balut, Tondo, Maynila dahil sa gulping inabot sa mga vendor at tambay sa labas ng Tutuban mall na nakasaksi sa insidente.

Isang alyas Anot umano na kasamang holdaper ni San Pedro ang nakatakas na kasalukuyan pinaghahanap.

Sa report ng pulisya, dakong alas-10:30 ng gabi nang ma­ganap ang insidente malapit sa Tutuban Mall sa Jose Abad Santos Ave., Tondo, Maynila. Nabatid na nagsadya sa nasabing mall ang bikima para bumili ng pangregalo sa birthday ng anak nang papauwi na ay hinarang at hinoldap ng dalawang suspect. Ayaw umanong ibigay ng biktima ang kaniyang wallet, cellphone at mga dalang pinamili kaya sinaksak siya ng ice pick ng dalawang ulit.

Nang mapansin ng tanod ang komosyon, sumaklolo ito subalit siya naman ang pinagsasaksak ng suspect bago nagtangkang tumakas pero kinuyog si San Pedro ng mga nakasaksing vendor at tambay saka pinagbubugbog. Ayon kay Fajardo, labas-masok na umano sa kulungan si San Pedro na kilalang talamak na holdaper subalit nakakalaya ito dahil sa piyansa.

Show comments