MANILA, Philippines - Patay ang isang barangay chairman makaraang pagbabarilin ng dalawang salarin na “riding-in-tandem” sa harapan ng sabungan ng Valenzuela City, kahapon ng umaga.
Dead-on-arrival sa Meycauayan Doctors Hospital si Lauro Evangelita, 54, kapitan ng Bgy. Libtong sa Meycauayan, Bulacan na nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Northern Police District (NPD), nasa harap ng sabungan sa Brgy. Malanday, Valenzuela ang biktima pasado alas-10 ng umaga nang biglang sumulpot ang dalawang salarin na magka-angkas sa motorsiklo.
Isa sa mga suspect ang bumaba at lumapit sa biktima at sunud-sunod na pinaputukan ito. Mabilis namang sumakay sa motor ang gunman at saka mabilis na tumakas patungo sa direksyon ng Meycauayan.
Blangko naman ang mga otoridad sa motibo ng pamamaslang kung saan nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon.
Samantala, alitan din sa manok ang ikinamatay ng isang construction worker nang pagbabarilin ng kanyang kabaro sa lungsod Quezon kahapon.
Dead-on-the-spot naman si Salvador Sardo, 32, binata ng no. 3 Don Gregorio St., Don Antonio Subd., Brgy. Holy Spirit sa lungsod habang tugis naman ng awtoridad ang suspect na si Romeo Blanca, 46.
Ayon sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente sa may loob ng kanilang tinutuluyang compound, ganap na alas-7 ng gabi.
Sinabi ng testigong si Ernesto Bulao, nag-aasikaso siya ng hapunan sa harap ng kanilang barracks nang dumaan sa harapan niya ang suspect at tinawag ang biktima.
Ilang sandali, nakarinig na lang siya ng mga putok ng baril at nang tingnan niya ang lugar ay naabutan na lamang niyang duguang nakabulagta sa lapag ang biktima, habang tumakas naman ang suspect.
Dagdag ni Bulao, matagal nang may alitan ang biktima at suspect simula ng magtalo ang mga ito sa manok na panabong noon pang Hunyo 15.
Narekober sa lugar ang anim na basyo ng bala at dalawa pang bala ng 9mm na ginamit ng suspect sa pagpatay sa biktima. (Ricky T. Tulipat)