Pekeng abogado nabuko, ipinaaresto

MANILA, Philippines - Ipinadakip ng isang ne­gos­yante ang kanyang abo­gado matapos matuklasang peke ito at gumagamit lamang ng Roll number ng ibang abogado.

Ipinagharap ng reklamong paglabag sa Art. 315 ng Revised Penal Code o estafa at usurpation of authority ng Art. 177 ng RPC ang suspect na si Senen Duadico, 50, re­si­dente ng Cordillera St., Mandaluyong City sa Mandaluyong City Prosecutor’s Office.

Ayon kay NBI-Anti Organized Crime Division (AOCD) chief, Atty. Rogelio Mamauag, posibleng magkaroon ng epekto sa mga kasong hinawakan ni Duadico dahil wala siyang persona­lidad na maging abogado partikular sa kliyente nitong si Rosalind Geolagon, na naka­­buko sa kanya na hindi ito kasama sa talaan ng Office of the Bar Confidant ng Supreme Court.

Sinalakay ng mga opera­tiba ng NBI ang tanggapan ng suspect sa Mandaluyong City at isinilbi ang arrest warrant na nakuha sa Pasig City Court at ipiniit sa NBI detention cell.

Iginiit naman ng suspect na lehitimo siyang abogado at nais lamang siyang sirain ng mga kalaban sa korte, kasabay ng pagpiprisinta ng sertipikas­yon na pumasa sa Bar noong 1985 sa average na 84.6.

Nang i-verify ang gina­gamit na Roll number ng Bar, natuklasan din na naka-assign ang Roll number sa isang Atty. Gaudencio Demaisip Jr.

Saad pa sa reklamo ng complainant, nakilala lamang niya ang pekeng abogado noong Marso, 2012 nang maghanap siya ng notary public para sa complaint affidavit niya laban sa isang mall sa Mandaluyong City kung saan siya may stall sa tiangge section.

Sa masusi pang berikas­yon sa korte, natuklasan ding may mga warrant of arrest pa na nakabinbin laban kay Dua­dico sa Pasig RTC, Br. 69, sa Quezon City RTC, Br. 224 at sa Makati MTC, Br. 64.

Show comments