Sekyu problemado sa pera, nagbaril

MANILA, Philippines - Hinihinalang sadyang nagpakamatay ang isang 46-anyos na security guard nang barilin ang sarili dahil umano sa problema sa pananalapi, kamakalawa ng gabi sa pinapasukan nitong motorcycle showroom sa Makati City.

Nagtamo ng tama ng bala ng kalibre .38 ang nasawing si Nazareth Bolongaita, miyembro ng Triad Security and Allied Services, Inc. at nakatalaga sa Ducati Manila Showroom and Service Center na nasa South Superhighway, ng naturang lungsod.

Sa ulat ng Makati City Police, dakong alas-6:30 kama­kalawa ng gabi nang matagpuan ang bangkay ni Bolongaita ng facility maintenance na si Marvin Angeles na naliligo sa sariling dugo sa loob ng banyo ng naturang establisimento.

Nabatid na nakatakda na sanang palitan ng kanyang karelyebong guwardiya na si Nestor Obillo, 47, ang biktima nang makitang pumasok ito sa loob ng banyo ng naturang establisimento.

Ilang sandali lang ay narinig na ang isang putok ng baril mula sa loob ng banyo at dito na nakita ni Angeles ang duguang bangkay ng biktima na may tama ng bala sa ulo. Nakuha sa tabi ng bangkay ang kanyang service firearm na kalibre .38 revolver na ginamit sa pagpapakamatay.

Napag-alaman sa imbestigasyon ni Villaranda na may malalim na problema sa pananalapi ang biktima dahil pagkakabaon sa utang.

Show comments