Estibador todas sa sekyu

MANILA, Philippines - Todas ang isang estibador sa isang security guard  sa Pier 2, nang tangkain ng una na nakawin ang baterya ng truck sa loob ng binabantayang compound, sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.

Bigong maisalba ng mga doctor sa Gat Andres Bonifacio Hospital ng biktimang si Jefferson Visto, binata, ng Purok 2 Isla Puting  Bato, Tondo, Bunsod ng balang tinamo sa tiyan at likod.

Nakatakas naman umano ang suspect na nakilala lamang sa apelyidong “Ledesma”, empleyado ng  MBZ Security and Investigative Specialist at  nakaduty sa Wells Fargo compound,  sa Pier 2, Tondo.

Sa ulat ni SPO2 Virgo Villareal ng Manila Police  District -Homicide Section, dakong alas 2:00 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa loob ng Wells Fargo compound, Tondo.

Sinabi ng isang  Elmer Zapata, Operations Manager ng Wells  Fargo trucking, nagro-roving inspection ang nasabing sekyu  nang makita ang biktima at tatlo pang kasamahan sa aktong kinakalas ang baterya ng  isang  truck na may plakang  UVM- 814.

Nang sitahin ang biktima ay sinugod  pa umano nito ng suntok ang suspect hanggang sa magbunot ng baril at paputukan ang biktima.

Isinugod sa nasabing pagamutan ang biktima na binawian ng buhay makaraan ang dalawang oras habang ang suspect ay hindi na makita sa nasabing pinagtatrabahuhan.

Show comments