Dalaga biktima ng akyat bahay: P2.2-M cash at alahas tangay

MANILA, Philippines – Aabot sa P2.2 milyong halaga ng salapi at alahas ang nalimas sa isang dalaga matapos pasukin ng hinihinalang akyat bahay gang ang kanyang condominium sa lungsod Quezon, iniulat kahapon. Ayon sa ulat, ang biktima ay kinilalang si Michelle Chan, at residente ng Landsdale Tower, Brgy. Paligsahan sa lungsod.

Nangyari ang panloloob sa pagitan ng alas-9 ng umaga hanggang alas-7:30 ng gabi nitong Martes. Ayon kay Chan, umalis sila ng kanyang ina na si Betty na naka-lock ang mga pintuan nito. Subalit pagbalik umano ng kanyang nanay ganap na alas-7:30 ng gabi ay laking gulat na lamang nito nang madatnan na bukas ang pinto ng nasabing unit at nagkalat ang mga gamit sa loob ng bahay. Dito ay napansin din ni Betty­ ang steel vault na nasa loob ng kuwarto na bukas at wala na ang nasabing mga items. Agad niyang ipinabatid ang insidente sa kanyang anak na siyang nagpaabot naman sa awtoridad. Sa kasalukuyan, patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya sa nasabing insidente.

Show comments