MANILA, Philippines - Sugatan ang lima katao matapos na hagisan ng granada ang loob ng isang restaurant habang kumakain ang mga biktima kamakalawa ng gabi sa Sta. Cruz Maynila.
Kinilala ang mga biktima na sina Ashley Salas, 28, waitress; Gina Bautista, 35, waitress; Renard Lorejo, 22; Razil Bolongan, 19, at Clarissa Paraiso, 18.
Hindi naman nakilala ang suspect na naghagis ng granada na mabilis na tumakas.
Ayon sa Manila Police District-Police Station 3, dakong alas-11:30 ng hatinggabi nang maganap ang insidente sa Sunbeam Restaurant, Videoke Bar sa Quezon Blvd., malapit sa C.M. Recto Avenue, Sta. Cruz, Maynila.
Nabatid na nagsisilbi umano sa kanilang mga kostumer ang waitress nang napansin ng mga ito na tila may naghagis ng bagay na kung saan paglapag nito sa sahig ay bigla na lamang sumabog.
Matapos ang pagsabog ay dito na nakita ang mga biktima na sugatan kung kaya mabilis na isinugod sa nasabing mga pagamutan upang malapatan ng lunas.
Nabatid naman sa MPD-Bomb Squad, na isang MK2 fragmentation granade ang inihagis na bomba sa nasabing restaurant.
Kaugnay nito, patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa pagkakakilanlan ng suspect na naghagis ng bomba at motibo.