MANILA, Philippines - Naaresto ng pinagsanib na puwersa ng National Bureau of Investigation at Provincial Public Safety Company sa Misamis Occidental PNP PRO-10 Regional Intelligence Division NCRPO at Criminal Intelligence Division ang itinuturing na ika-20 most wanted bank robber sa bansa at miyembro ng notoryus na Ampang Colangco Robbery Hold-up Gang.
Si Crispin Bongolo “Felix” Bacat, 43, ng Palayan Aloran, Misamis Occidental ay naaresto sa bisa ng 4-warrant of arrest matapos ang anim na taong pagtatago sa kasong bank robbery, illegal possession of firearms at direct assault.
Sa record ng korte, si Bacat ay miyembro ng Ampang Colangco Bank Robbery Group na nakapatay sa limang security guard escort ng roving teller ng Banco de Oro at tumangay sa P36 milyong cash sa SM South Mall, Las Piñas City noong Agosto 7, 2004.
Nasundan ito sa PSBank Cainta branch kung saan tinangay ng grupo ang P171,000 cash noong Hunyo 27, 2007 habang P1 milyon naman ang natangay sa Land Bank of the Phils., West Ave., Quezon City branch noong Enero 22, 2008.
Aabot naman sa P2 milyon ang natangay sa Metrobank at Blue Wave Mall sa kahabaan ng Sumulong Highway sa Marikina City noong Agosto 11, 2008.
Ayon sa NBI, naaresto si Bacat sa Purok 3, Brgy. Lower Rizal, Oroquieta City matapos isailalim sa surveillance.
Kasalukuyang nakakulong sa NBI detencion cell ang suspect at nakatakdang ilipat sa National Bilibid Prisons (NBP) upang isilbi ang kanyang 12 hanggang 15 taong sentensya kaugnay sa mga kaso.