MANILA, Philippines - Sumiklab ang karahasan sa nakatakdang demolisyon sa talipapa sa Silverio Compound sa Parañaque City makaraang paulanan ng bato ng mga nagbarikadang residente ang demolition team at pulisya kung saan isang lalaki ang iniulat na nasawi habang aabot naman sa 36 ang sugatan.
Kinilala ni P/Senior Supt. Billy Beltran ang nasawi na si Arnel Leonor kung saan inaalam pa ng pulisya kung ang tama sa ulo ay mula sa baril o maaaring tama ng tipak ng bato.
Kabilang naman sa mga sugatan ang apat na pulis na tinamaan ng bato habang nasira rin ang dalawang PNP truck.
Nabatid na nag-umpisa ang pambabato ng mga residente nang dumating si Sheriff Alejandro Abrematea ng Parañaque Regional Trial Court Branch 195 na armado ng court order upang ipatupad ang demolisyon.
Dito napilitang magpaputok ng tear gas ang mga pulis habang ang iba ay gumanti ng pamamato ngunit napilitan ding umatras nang hindi makayanan ng kanilang mga truncheon ang dami ng batong bumabagsak sa kanila.
Nang humupa ang kaguluhan, marami sa mga residente at usiserong sibilyan ang duguan nang tamaan ng bato.
Aabot naman sa 20-katao ang nasakote ng pulisya kung saan naaktuhan ang mga ito na may hawak na bato, bote, kutsilyo, at maging suka na may halong sili na inilagay sa plastic.
Nilinaw ni Parañaque City Mayor Florencio Bernabe Jr., na nasabihan naman ng sheriff ang mga residente sa isasagawang demolisyon may 10-araw bago ito isagawa.
Samantala, kabilang sa mga iniimbestigahan ng pamahalaang lokal ang presensya ng ilang politiko sa nasabing lugar at kung ano ang kinalaman ng mga ito sa naganap na karahasan.
Natuloy din naman ang demolisyon sa mga talipapa dakong alauna ng hapon matapos na humupa ang kaguluhan.
Tiniyak naman kahapon ni Chairperson Etta Rosales ng Commission on Human Rights (CHR) na paiimbestigahan nito ang naganap na karahasan sa Silverio Compound.
Kaugnay nito, mariing binatikos ng mga militanteng grupo sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at Anak-Pawis Partylist ang madugong demolition sa Silverio Compound. (Dagdag ulat ni Angie Dela Cruz)