MANILA, Philippines - Arestado ang tatlo katao matapos na makuhanan ng may P30,000 halaga ng pekeng peso bill na tinangka sana nilang ibayad sa isang tindahan sa Cubao, Quezon City.
Kinilala ni Supt. Ramon Pranada, hepe ng Quezon City Police Districts (QCPD)-Cubao Station, ang tatlong suspect na sina Rowena Angkob, 26, Joemar Gumandil, 27, at Nasser Salicol, 24, pawang mga residente sa Mindanao Ave., Maharlika Village, Taguig City.
Ayon kay Pranada, ang mga suspect ay nahaharap ngayon sa kasong illegal possession of false treasury notes sa ilalim ng Article 168 ng Revised Penal Code.
Sinasabing ang mga suspect ay naaresto ng security guards ng Farmers Plaza Mall, ganap na alas 4 ng hapon.
Tinangka umano ni Angkob kasama ang dalawa pa na bumili ng dalawang piraso ng donuts sa Mister Donut gamit ang pekeng P200 bill. Pero agad na napuna ni Jennifer Torres, cashier ng Mister Donut na peke ang pera kung kaya agad nitong tinawag ang security guard ng mall at ipinaaresto si Angkob.
Nang makita naman ng dalawa ang pagkakadakip kay Angkob ay tinangka nilang tumakas pero, agad din silang napigilan ng guard na matagal nang nakamasid sa kanila dahil sa kanilang kahina-hinalang kilos.
Ayon sa opisyal, matapos maaresto, nakita kay Angkob ang isang envelop na naglalaman ng mga pekeng peso bills.
May kabuuang 130 piraso ng pekeng P200 bills at limang piraso ng pekeng P500 bills ang nakumpiska sa mga suspect.
Ang pekeng pera ay katulad din ng bagong pera na inisyu ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Sabi pa ng opisyal na kung hindi agad susuriin ay mapagkakamalan itong totoo.
Samantala, ayon kay Angkob, binili niya ang pekeng pera sa kabuuang P2,000 mula sa isang babae. Ang pekeng P200 bill ay binili niya ng P50 kada isa habang ang P500 naman ay ibinenta sa halagang P100 kada isa. Dagdag nito, ang pekeng pera ay ginawa umano ng isang Chinese nationals.
Iniimbestigahan na ng pulisya ang impormasyong sinabi ng suspect para madakip ang mga ito.