MANILA, Philippines - Sinugod ng may 50 miyembro ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) ang Department of Justice para iprotesta ang kasong pagpatay kay Noel Orate Sr.
Ito’y makaraang paboran ng DOJ ang kasong homicide na nauna nang isinampa noong Marso ng Quezon City Police District laban sa suspect na si Bulacan Provincial Board Member Romeo Allan Robes matapos ang isinagawa nitong reinvestigation.
Bitbit ang mga tarpaulin na nananawagan para sa katotohanan at hustisya para kay Orate, nagprotesta ang VACC kasama ang anak ng biktima na si Noel Orate Jr.
Umapela ang nakababatang Orate kay Justice Secretary Leila de Lima na pag-aralang muli ang kaso ng kanyang ama dahil naniniwala silang murder ang dapat na inihain laban kay Robes.
Dapat aniyang suriing mabuti ang ulat ng Scene of the Crime Operatives ng pulisya, gayundin ang pananaw ng forensic expert na si Raquel Fortun na nagsabing binaril ng malapitan ang biktima. Maging ang ulat ng National Bureau of Investigation na nagsabing kahit nakahandusay na ang kanyang ama ay dalawang ulit pa itong binaril ni Robes.
Sinabi ni Noel na maghahain ang kanilang abogado na si Atty. Doy Bringas ng mosyon o petisyon para hilinging baligtarin ang naunang resolusyon ng DOJ. Ang biktima ay namatay bunsod ng mga tinamong tama ng bala ng baril Pebrero 10 sa bahay ng dati niyang kasintahan na si dating Congresswoman Nanette Castelo Daza sa lungsod ng Quezon.