MANILA, Philippines - Umaabot sa 30 unit ng mobile business carts ang ipinamahagi ni Manila Mayor Alfredo Lim sa Del Pan Sports Complex sa ilalim ng Nego-Kart Project (Serbisyo Para sa Mobile Vendors) na isinagawa ng city government, Lakas ng Inang Manilenyo sa pangunguna ni executive director Cristy Lim-Raymundo at ng Department of Labor and Employment.
Ayon kay Lim, ang `Nego-Kart’ ay rolling store na kumpleto na sa gamit dahil ito ay may kerosene fuelled-stove, lutuan, supply ng sauce, balot ng fish balls, kikiam, squid balls at hotdogs na handang itinda.
Nabatid na umaabot sa 30 pamilya mula sa anim na distrito ng Maynila ang nakatanggap ng `Nego-Karts’ na nagkakahalaga ng P10,000 bawat isa.
“Inihahalimbawa ko sa inyo ang me ari ng Aristocrat sa Roxas Boulevard. Sila ay nag-umpisa lamang sa pagtutulak ng kariton at ang itininda nila ay lugaw lamang. Pero ngayon, sa pagsisikap niya, umunlad ang negosyo,” ani Lim.
Pinayuhan ni Lim ang mga nabiyayaan ng ‘Nego Karts’ na pagsumikapan na mapalago ang ibinigay na nego-kart dahil malaking tulong ito sa paglago ng kanilang pamumuhay.
Idinagdag pa ni Lim na ang `Nego-Kart Project’ ay isa lamang sa pro-poor livelihood projects sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III.