MANILA, Philippines - Pinaiimbestigahan ni Manila Mayor Alfredo S. Lim ang naganap na sunog sa palengke kung saan nakatayo ito sa kontrobersiyal na lote ng Basa-Guidote, kahapon ng madaling-araw sa Sampaloc, Maynila.
Nabatid na personal na binisita ng alkalde ang Sampaloc Public Market na nasa panulukan ng Legarda at Bustillos Sts., kasama sina city administrator Jay Marzan, department of public services chief ret. Col. Carlos Baltazar, chief of staff at media bureau director Ric de Guzman, city legal officer Renato dela Cruz at secretary to the mayor Atty. Rafaelito Garayblas na kanyang binigyan ng direktiba para magsagawa ng imbestigasyon.
Ayon kay Lim, may nakarating na impormasyon sa kanya na sinadya umanong sunugin ang palengke kung saan sa pahayag ng ilang testigo, dalawang lalaki umano ang nakitang tumatakbong palabas sa palengke bago sumiklab ang sunog.
Base sa report ni Inspector Guillermo Firmalino Jr., Bureau of Fire Protection (BFP) deputy chief kay Lim, nagsimula umano ang sunog sa Stall #239 na isang tindahan ng tsinelas dakong ala-1:50 ng madaling-araw.
Sa 292 stalls na nasa loob ng palengke, 80 ang nasunog at pawang nasa dry goods section.
Pag-aari umano ng isang Ely Morales ang stall na unang nasunog kung saan may P3 milyon ang napinsalang ari-arian, matapos ideklarang fire-out dakong alas-4:30 ng umaga.
Lumilitaw na ang lote na pinatayuan ng palengke ni dating Manila Mayor Lito Atienza ay binili sa halagang P34 milyon kay Cristina, asawa ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona na kinukuwestiyong may iregularidad ng Commission on Audit.
Ang bentahan ng naturang lote ay isa sa ebidensiya na iprinisinta ng prosekusyon sa nagaganap na impeachment trial laban kay Corona.