MANILA, Philippines - Binalot ng takot ang mga nasa loob ng Justice Hall ng Caloocan City matapos makatanggap ng tawag na may itinanim na bomba rito, kahapon ng umaga.
Sa inisyal na report ng Caloocan City Police, dakong alas-8:00 ng umaga nang makatanggap ng tawag ang telephone operator ng Caloocan City Justice Hall sa 10th Avenue ng nabanggit na lungsod at sinabing may nakatanim na bomba sa lugar.
Sinabi ng hindi nagpakilalang caller na ang itinanim na bomba ay para sa umano’y mga walang kuwentang mga piskal. Sinabi pa umano ng caller na “dapat sa kanila ay pasabugin, kailangan pa bang may mamatay na pulis bago sila umaksyon.”
Agad na pinagbigay-alam sa pulisya ang insidente at makalipas ang tatlong oras ay walang nakitang bomba na naging dahilan upang pabalikin ang mga empleyado sa trabaho.
Matatandaan na noong nakaraang Linggo, galing sa nasabing Justice Hall si SPO1 Manolo Caolie upang samahan ang kaibigan na may kaso.
Pag-alis ni Caolie sakay ng kotse at pagsapit sa 10th Avenue malapit sa panulukan ng A. Mabini ay pinagbabaril at napatay ito ng riding in tandem na hindi nakuha ang plaka.