MANILA, Philippines - Isang bagitong pulis ang nasawi matapos itong barilin ng sinita niyang rider dahil walang suot na helmet habang nagmamaneho kahapon ng madaling-araw sa Navotas City.
Dead-on-arrival sa Tondo Medical Hospital sanhi ng dalawang tama ng kalibre .45 baril sa tiyan ang biktimang si PO1 Christopher Estor, 34, ng Abalos Bukid St., Gumamela Extension, Brgy. Marulas, Valenzuela City at nakatalaga sa Mobile Patrol Group ng Navotas City Police.
Nagsasagawa naman ng follow-up operation ang mga tauhan ng Navotas City Police upang maaresto ang suspek na nakilalang si Allan Castro alyas “Metalica”.
Sa inisyal na report ng Station Investigation Division (SID), Navotas City Police, naganap ang insidente dakong alas-12:00 ng hatinggabi sa kahabaan ng R-10, North Bay Boulevard ng nabanggit na siyudad.
Nabatid na sakay ng isang mobile patrol ang biktima at ilang kasamahan nitong pulis kung saan habang nagpapatrulya sa nabanggit na lugar nang mamataan nila ang suspek na nagmamaneho ng Kawasaki Fury (4373-OD) at walang suot na helmet, dahilan upang sitahin ito ng naturang mga alagad ng batas.
Pinara nila ang suspek upang sitahin at tumigil naman ito, pagbaba ng mga pulis sa mobile patrol kasama si PO1 Estor ay biglang nagpaputok ang suspek na si Castro.
Dito ay tinamaan ng ilang beses si PO1 Estor at hindi man lamang nakaganti ng putok ang mga kasamahan nitong pulis at nang nakabulagta na ang biktima ay mabilis na tumakas ang nabanggit na suspek.
Si PO1 Estor naman ay mabilis na isinugod ng kanyang mga kasamahan sa nabanggit na ospital, subalit hindi na nakarating ng buhay.