MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa milyong halaga ang mga ari-ariang naabo matapos tupukin ng malakas na apoy ang isang shopping mall sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.
Hanggang sa ngayon ay hindi pa maideklarang fire out ng Bureau of Fire Protection ang sunog na nagsimula dakong alas-10:30 kamakalawa at tumupok sa Ever Gotesco Grand Central na matatagpuan sa kahabaan ng Rizal Avenue Extension ng nasabing lungsod.
Sa paunang imbestigasyon, nag-umpisa ang sunog sa outlet ng Rusty Lopez, na matatagpuan sa unang palapag ng naturang shopping mall hanggang sa kumalat ito sa buong gusali.
Nabatid na nahirapan ang mga bumbero na apulahin ang apoy dahil napuno ng usok ang loob ng gusali maging ang paligid nito.
Dahil sa insidente, ilang kabahayang malapit sa naturang shopping mall ang napilitang lumikas sa pangamba na madamay sa sunog. Umabot sa Task Force Delta ang sunog.
Nagdulot din ng sobrang sikip ng daloy ng trapiko sa Monumento ang sunog.
Gayunman, hindi naapektuhan ang operasyon ng Light Rail Transit (LRT) Line 1.