MANILA, Philippines - Tatlong holdaper ang nadakip makaraang holdapin ang isang ginang na magdedeposito ng pera sa isang bangko sa Malabon City kamakalawa.
Nakakulong ngayon sa Malabon City Police detention cell ang mga suspek na sina Juanito Soria, 46; Edmund Casumpang, 40, at Emilio Fenellon, 16.
Kinilala naman ang biktimang si Gemma Salvadora, 42.
Sa report na natanggap ni Police inspector George Gubatan, ng Station Investigation Division (SID) ng Malabon City Police, naganap ang insidente dakong alas-3:10 ng hapon sa kahabaan ng Salinas St. , Brgy. Longos ng nabanggit na lungsod habang naglalakad ang biktima patungong banko para magdeposito ng halagang P88,960 cash ng biglang sumulpot ang mga suspek na sakay ng isang motorsiklo.
Tinutukan ng baril ang biktima at saka nagdeklara ng holdap, subalit pumalag ang ginang at wala rin itong nagawa dahil naagaw sa kanya ang bag na naglalaman ng nabanggit na halaga.
Matapos matangay ng mga suspek ang nasabing halaga ay mabilis na tumakas ang mga ito, kung kaya’t mabilis na humingi ng tulong ang ginang sa mga pulis.
Sa isinagawang follow-up operation ng Special Weapons and Tactics (SWAT) ng Malabon City Police, nadakip ang tatlong suspek at narekober sa mga ito ang cash na tinangay nila mula sa biktima at isang cal. 45 pistol.