2 utas sa pinaniniwalaang kaso ng droga

MANILA, Philippines - Dalawang insidente ng pa­mamaslang na hinihina­lang may kinalaman sa sin­di­kato ng droga ang maga­nap sa magkahiwalay na lugar sa Taguig City, kahapon.

Nakilala ang dalawang nasawi na sina Elias Buenaobra, 34, residente ng Purok 6 Brgy South Signal Village at Vilbie Bejona, 38 ng Brgy Pinagsama, Taguig.

Sa ulat ng Taguig City Police, unang naitala ang pagpaslang kay Buenaobra dakong alas-12 ng hatinggabi sa tapat ng bahay nito. Ayon kay Elmira Malig, kapatid ng biktima nasa loob siya ng kanilang bahay nang makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril.

Nang lumabas sila sa bahay, nakita niya ang isang motorsiklo na sumibad papatakas habang duguang na­kabulagta ang kanyang kapatid.

Dakong alas-11 naman ng tanghali kahapon nang bigla na lamang pagbabarilin ng hindi pa kilalang salarin si Bejona sa kanto ng Ser­vice Road C-5 Soutbound at Mangga St., sa naturang ba­rangay.

Nabatid sa ulat na nagkaroon ng mainitang pagta­talo ng biktima at ang salarin hanggang sa magbunot ng baril ang huli at sunud-sunod na paputukan si Bejona bago mabilis na tumakas.

Inaalam sa ng pulisya kung may kaugnayan sa tran­saksiyon ng ilegal na droga ang dalawang insidente ng pamamaslang dahil kilala ang naturang mga lugar sa talamak na bentahan ng illegal na droga.

Show comments