MANILA, Philippines - Isang preso na nakahanay na ang pangalan para sa parole ang nasawi, habang apat pa ang sugatan makaraan ang naganap na riot sa pagitan ng magkalabang grupo dahil sa larong basketball sa loob ng National Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City, kamakalawa ng gabi.
Nasawi dahil sa tama ng saksak ng stick ng banana cue ang biktimang si Edwin Soriano, 51, miyembro ng Sputnik Gang.
Nabatid na nakulong sa NBP si Soriano noong taong 2000 dahil sa kasong murder at naisumite na ang pangalan nito para sa posibleng mabigyan ng parole.
Sugatan naman ang kanyang mga kasamahan na sina Rodolfo Eudiate, Ramonchito Guirawalda, Rogelio Malonzo at Valeriano Anestuso.
Inilipat naman sa Sablayan Prison and Penal Park sa Mindoro ang apat na suspek sa krimen habang iniimbestigahan pa ang insidente.
Nakilala ang mga ito na sina Charlie Butiong, Alvin Salazar, Michael Carmelo, at Romel Rosales, pawang mga miyembro naman ng Commando Gang.
Sa ulat ng NBP, nag-umpisa ang rambol dakong alas-6 kamakalawa ng gabi nang magreklamo ang grupo ng mga suspek sa pangit na tawag umano ng reperi sa laro nilang basketball.
Dito nag-umpisa ang pagkakainitan hanggang sa sumiklab na ang rambol na nagresulta sa pagkasawi ni Soriano at pagkasugat ng mga kasamahan nito.
Sinabi naman ni NBP Director Gaudencio Pangilinan na isang “isolated case” lamang ang nangyari na ang pinag-ugatan lamang ay basketball.
Itinanggi nito na may namumuong matinding tensyon sa pagitan ng iba’t ibang gang sa loob ng bilangguan.