MANILA, Philippines - Tinawag ng militanteng grupong Bagong Alyansang Makabayan ang mga kompanya ng langis sa bansa na mga “walang puso” makaraang magpatupad kahapon ng Araw ng mga Puso ng panibagong pagtataas sa presyo ng petrolyo.
Dakong alas-6 ng umaga nang sabay-sabay na nagtaas sa presyo ng premium, unleaded at regular gasoline ng P.50 sentimos kada litro at P.85 sentimos kada litro ng diesel at kerosene ang Pilipinas Shell, Total Philippines, at Chevron Philippines.
Nasa 70 sentimos naman kada litro ng diesel ang itinaas ng Petron Corporation habang kapareho ring halaga na 50 sentimos kada litro ang itinaas ng kanilang premium at unleaded at 85 sentimos sa kerosene epektibo rin alas-6 ng umaga kahapon.
Sa ibinahaging paliwanag nina Iris Reyes ng Total at Mitch Cruz ng Pilipinas Shell tumaas ng $4 na dolyares kada bariles ang halaga ng imported na langis sa pandaigdigang pamilihan noong nakaraang linggo na kanilang pinagbasehan dahil sa pinapayagan sila ng Department of Energy na magtaas ng presyo kada linggo.
Kinontra naman ito ni Bayan Secretary General Renato Reyes na nagsabing hindi naman talaga tumaas ang “production cost” ng kanilang mga kompanya dahil sa puro espekulasyon lamang ang sinasabing galaw sa presyo ng langis sa internasyunal na merkado.
Sa rekord ng Bayan, nasa anim na price hike at dalawang price rollback na ang isinasagawa ng mga kumpanya ng langis sa bansa.
Nagresulta ito ngayon ng net increase na P2.15 kada litro sa diesel at P3.60 sa unleaded gasoline habang sa liquefied petroleum gas (LPG) naman ay tumaas na ng P115 kada 11-kilong tangke ngayong 2012.