MANILA, Philippines - “Hinostage po kami, at self defense lamang ang nangyari kung kaya nabaril ng asawa ko si Noel Orate.”
Ito ang ipinahayag ni 4th District Councilor Jessica Daza, asawa ng pangunahing suspect sa pagpatay sa umano’y lover ni dating Quezon City Rep. Nanette Castelo-Daza na si Orate sa may Brgy. Teachers Village-East., matapos ang pagiging tahimik nito sa nasabing isyu.
Ayon sa konsehal, kailangan umanong mangyari ang nasabing insidente dahil kailangang iligtas na sila ng kanyang asawa at inang si Nanette buhat kay Orate na noon ay may dalang baril at binabantaan silang papatayin.
“Tinutukan po niya (Orate) kami ng baril, tapos sinabi niya na papatayin kaming lahat, tapos siya naman daw ang magpapakamatay,” sabi ng konsehala.
Nilinaw din ni Jessica na kaya nagpunta si Orate sa kanilang bahay ay upang makipagbalikan sa kanyang inang si Nanette na matagal ng nakipagkalas umano sa kanya simula pa nitong Enero.
Maalalang si Orate, 55, district manager ng Unilab ay nasawi matapos na mabaril ni Robes, 38, Bulacan Provincial Board Member at asawa ni Jessica sa loob ng bahay nito sa Maningning St., Brgy. Teachers Village, ganap na alas-10:45 ng gabi nitong Biyernes.
Sinasabing nagtungo si Orate sa bahay ni Nanette na may bitbit ng baril kung saan nagkaroon ng pagtatalo ang una at ang dating congresswoman kung saan naroon sina Robes at asawang si Jessica hanggang sa mauwi sa pamamaril. Kaugnay nito, katarungan naman ang hangad ng pamilya Orate sa nangyaring pagkamatay nito.
Ayon kay Noel Robes Jr., ordinaryong tao lamang umano sila at walang kakayahang mag-impluwensya ng tao, kaya tanging ang hangad nila ay maging patas at makakuha ng katarungan.