22 rescue vans ng MMDA nakaposisyon na sa mga kritikal na lugar
MANILA, Philippines - Ipinosisyon na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang kanilang mga rescue and emergency vans sa mga kritikal na lugar sa Kamaynilaan bilang bahagi ng pagpapalakas ng kapabilidad sa pangamba na maaaring tumama rin ang lindol sa kalunsuran.
Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na kumpleto ng mga “high-tech equipments” para sa search and rescue at medikal ang mga container vans na ipinosisyon sa mga lugar na maaaring pinakamatinding tamaan ng lindol sa Pasig, Marikina, Quezon City, at Maynila.
Bukod dito, sinanay na rin umano ng MMDA ang nasa 18,000 volunteers buhat sa mga komunidad na binubuo ng mga community leaders, at mga homeowners sa Metro Manila sa “disaster awareness and response” upang alam ng mga ito ang gagawin sa oras ng kalamidad.
Una nang inihayag ng ahensya ang pagbuo ng “earthquake bayanihan zones” upang pakilusin ang komunidad sa pagresponde sa kani-kanilang lugar sa oras nang pagtama ng kalamidad upang agad na maging organisado at makasagip agad ng maraming buhay.
Sa pag-aaral noong 2004 ng Japan International Cooperation Agency, MMDA at Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), malaki ang posibilidad na tamaan ng malalakas na lindol ang Metro Manila.
Sa naturang pag-aaral na tinawag na Metro Manila Earthquake Impact Reduction Study (MMEIRS), kung tatama ang 7.2 magnitude na lindol, magreresulta umano ito ng agad na pagkasawi ng 34,000 katao; 110,000 sugatan; pagkasira ng 13% istruktura, at pagkawala ng tahanan ng 1.2 milyong katao.
- Latest
- Trending