MANILA, Philippines - Utas ang dalawa sa tatlong hinihinalang holdaper makaraang maka-engkwentro ang tropa ng Quezon City Police District sa kahabaan ng Quirino highway sa lungsod kahapon ng madaling-araw.
Inilarawan ang isa sa mga suspect sa suot na puting-t-shirt, naka-short ng kulay gray, katamtaman ang pangangatawan; habang ang isa naman ay nakasuot ng kulay orange na t-shirt at checkerd na short pants.
Ayon sa ulat, nasawi ang mga biktima makaraang maka-engkwentro ang tropa ng Police Station 5 ng QCPD sa kahabaan ng Quirino Highway, Brgy. Pasong Putik, Largo ganap na alas-2:30 ng madaling-araw.
Nauna rito, nagsasagawa ng preventive ang mga pulis sa tapat ng Caltex station nang mamataan ang tatlong lalaki na sakay ng motorsiklo na walang suot na helmet at walang plaka ang sasakyan.
Agad na sinundan ng mga operatiba ang motorsiklo, pero nang maramdaman ng mga suspect ang presensya ng mga una ay agad na bumaba ang dalawa sa mga ito, saka bumunot ng baril at pinaputukan ang mga ito.
Sa puntong ito, gumanti ng putok ang mga operatiba na nauwi sa engkwentro hanggang sa bumulagta ang dalawa sa mga ito at nakatakas naman ang isa pa nilang kasamahan.
Narekober ng mga awtoridad sa lugar ang isang kalibre 38 baril at isang improvised 12 gauge break-open type na gamit umano ng mga suspect.