MANILA, Philippines - Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang isang 24-anyos na lalaki makaraang saksakin ng isang 15-anyos na out-of-school youth sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Dead-on-arrival sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktimang si Bobby de Guzman, may-asawa ng #815 Leonor Rivera St. Sta. Cruz, Maynila sanhi ng saksak sa katawan.
Isang oras matapos ang insidente ay isinuko naman sa awtoridad ng kanyang ina ang suspect na si Robert Fernandez, ng Kalimbas St., Sta. Cruz, Maynila.
Sa ulat ni SPO2 Edmundo Cabal ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-12:30 ng madaling- araw nang maganap ang insidente sa kanto ng Leonor Rivera at Blumentritt Sts., Sta. Cruz, Manila.
Nabatid na habang may dalang cutter ang suspect upang ayusin ang bilao para sa hihiwaing mga gulay nang dumating ang biktima at sinuntok siya sa mukha at natumba subalit hindi siya lumaban at umuwi sa kanilang bahay.
Nang makita umano ng suspect ang ama na dumating ay ito naman ang sinuntok ng biktima at natumba rin kaya nagdilim umano ang kanyang paningin at nang madampot ang kustilyo ay inundayan ng saksak ang tagiliran ng biktima.
Ang mga saksi na ang nagdala sa biktima sa pagamutan subalit nasawi din.